Medyo nakakaraos na ako sa mga gawaing paaralan. Medyo pa-bondying-bondying pa, nakatutok sa harap ng computer, at nakikinig sa Me, Myself and I ni Beyonce.

Naalala ko ‘tong kanta kanina. Sumali kasi ako sa isang contest sa aming paaralan para sa mga freshmen. Dahil sa tawag ng kalikasan, sumali ako. Ito ang unang sinalihan kong contest sa kolehiyo. Isang Math contest ang sinalihan ko.

Nang mag-pa-pa-register na ako kanina, nagtataka ako kung bakit sobrang dami ng sumali. Tinanong ko ang isang ate nagka-blue na obviously ay isa sa mga organizers ng event. Ayon sa kanya, pwede raw ang tatluhan at dalawahan. Eh ano bang malay ko na may ganung epek pa ang contest. Basta ako solo. Kung manalo man, tiba-tiba. Walang kahati.

Tinanong ako sa registration kung ano raw ang gusto kong group name. Nag-reply ako bigla: “Ate, kamusta ka? Pa’no ako magkakaroon ng group name, eh solo nga po ako.” Kaya naman, si ate na lang ang nag-isip ng “group name” ko: “Team Ko”. Sobrang kadri, di ba? Halatang pinag-isipan.

Siyempre, nagkaroon ng eliminations. Unang tanong pa lang, nilagpasan ko na. Nilaktawan ko ang sumunod. Tapos, nasa kabila page na ako. Tapos, last page na pala, at wala pa rin akong nasasagutan. Dinugo talaga ako sa sobrang hirap. Kaya naman naisipan kong sight seeing. Nakita ko ang aking schoolmate na uber galing talaga. Hands down ako sa kanya. Nakita ko rin ang isa kong kalaban noong high school. Hindi ko akalain na magaling pala siya sa Math. May nakita akong asungot na mukhang bangag. Naligaw ata. Meron naman na parang nag-tatalumpati dahil sobrang lakas ng pagbasa niya ng problem. Kahit sino pa ang nakita ko, wala akong makitang sagot.

Basta, makalipas ang dalawang oras, ipinasa na ang papel. May mga nasagutan naman ako pero “dugo at pawis” talaga ang effort ko sa pag-so-solve nun. Bumalik daw kami after one hour and half para malaman kung sino ang top 16 na makakapasok sa quaterfinals.

Sumabay ako sa mga schoolmates ko nung high school para kumain. Pinag-uusapan nila ang mga sagot sa mga questions. Samantalang ako, unga lang ng unga at napa-“ganun ba” na lang sa mga pinagsasabi nila. Samakatuwid, hindi na ako umaasa pa na makapasok sa top 16 na yan.

Pero dahil sa kakapalan ng aking mukha, bumalik ako para makita ang resulta. Actually, napaaga ako ng dating dahil sobrang excited.

Pumunta lang ako sa CR para maglabas ng “sama ng loob”, at noong pagbalik ko nakadikit na ang resulta.

Sa di inaasahang pangyayari, nasabit ang “Team Ko”, pangalan ng team ko, sa top 16. Samantalang ang mga schoolmates ko ay di nakapasok.

Quarterfinals. Hinati ang 16 teams sa apat na groups. Tapos kung sino yung top 2 sa group, pasok sa semis.

Ayun. Nasa Quarterfinal 2 ako. Group of Death kuno ito. Sa apat na grupo, ako lang ang solo. Lahat sila trio. So ayun, yung mga pipol naghihiyawan.

Unang dalawang tanong, dinugo ako. Wala pa naman akong kasama. Kausap ko, sarili ko.Tapos, yung third question, nasagutan ko. Palakpakan ang tao. Kasi, nasagutan ko agad.

4 points yun. Leading ang group 1 by far away 18 points. Tapos, the other groups were scoreless. So ibig sabihin second ako at pasok sa semis. Until…. (The question is worth ten points)

“What is the 10th digit of the product of 13452094452423 and 125?”

Di ko sure yung number nakalimutan ko na, basta. So, ako todo-solve. Yung isang grupo na scoreless pa,

Ui, hulaan na lang natin. Kahit anong number from 0 to 9. Baka tumama. May probability na 1/10 na tama ang wild guess natin.”

Tapos, pinundot nila ang buzzer, nagsalita ang isa sa kanila,

“8”

Sabi nung host,

” Your answer is correct”

Hiyawan sila. At ako naman ay nadagundong. Sa lahat pa ng number na pwede nilang banggitin, eh yung tama pa ang nasabi nila. Linsiyak naman.

Pagkatapos nun may 2 questions pa. Di ko siya kinaya. Ayun, nag-third ako sa group. Di ako nag-qualify sa semis.

Okay lang naman sa akin yun. Di ko naman talaga in-expect na makakatungtong ako sa quarterfinals. Natawa pa nga ako after all.

May premyo naman ako: gift certificate sa TGI Fridays. PhP 500 off for PhP1000 worth of food purchase. Pampalubag loob. Aanhin ko naman yun kung wala naman akong pera para lumamon sa TGI Fridays?

 

P.S.    1. Mithi, ginagawa ko pa yung ti-nag mo sa akin. Ang hirap mag-isip talaga.

          2. Yung mga links nilipat ko na sa isang page; Kumakabit page