Ang kapal naman ng mukha mo, Tin. Oo, tama ang nakasulat. Ang kapal naman ng mukha mo kaya hindi mo nararamdaman ang galit ko sa ‘yo.

Inimbitahan mo kong manood ng play sa school niyo. Kasali ka doon, sabi mo. Feeling ko, extra ka lang naman dun at hindi importante ang role mo doon. Pero, dahil shu-shunga-shunga ako, hindi ako tumanggi sa imbitasyon mo. Libre kasi , tsaka, gusto kong pumunta sa school niyo.

Dapat nga di ako manonood ng play niyo. Meron kasi akong dapat asikasuhin na talagang mas importante pa diyan sa play niyo. Pero, pinostpone ko ang lakad ko para panoorin ka.

Hinihintay kong lumabas ka sa eksena. Buti na lang, di nagtagal, nakita rin kita. Sumasayaw ka pa nga. Extra ka pala, sabi ko. May nalalaman ka pang imbitasyon, tapos isa ka pa lang dakilang ekstra.

Matatapos na lang ang play, may eksena ka pa pala. Isa kang tour guide sa museum kuno. Iniimpersonate mo pa si Gloria. Ni wala sa isip kong gagawin mo yun. Natatawa ang audience at ginagaya ka pa nga ng iba. Pero ako, walang kibo, at hindi tumatawa na parang isang normal na eksena lamang ito ng hindi ko kilalang aktres. Mali pala ako. Hindi ka pala ekstra.

Pagkatapos ng play, maraming pumuri sa yo na di ko naman kilala. Pero ni isang salita, wala kang narinig galing sa akin. Nagtitili ka pa nga nang makita mo kami. Para kang tanga. Tanga, tanga, tanga. Na-miss mo kami, sabi mo. Basta ako, walang sasabihin. Tinatanong mo kung galit ako sa ‘yo. Hindi ako kumibo. Sa loob-loob ko lang, “Nagpapatawa ka ba?” O talagang tanga ka?