Sa Luzon, sa Visayas at sa Mindanao. Saan mang sulok ng mundo… Ito ang linyang bubungad sa atin sa tanghali sa tuwing nanood tayo ng Wowowee sa telebisyon.

Ito ang mundo ng Wowowee. Masaya, magaan ang pakiramdam, nagkalat ang pera, nakakawala ng problema. Nagbibigay ng saya sa bawat isa at naghahatid ng kakaibang ligaya.

Ngunit ano nga ba ang mayroon sa labas ng mundo ng Wowowee? Kung labas lang naman, ito talaga yun — mahaba ang pila, maraming tao ang desperadong pumasok upang makakuha ng pera.

Sa realidad, ito talaga ang mundong ginagalawan ng mga tao: hindi madalig makuha ang pera. Kung gusto mong magkapera, kailangan mong maghirap, kailangan mong magtrabaho, kailangan mong kumayod. Hindi ka kikita kung maglalaro ka lang ng Hephep Hooray.

Hindi sa lahat ng pagkakataon Masaya ang buhay. Mayroon tayong mga pinagdadaanang masalimuot. Hindi nadadaan sa simpleng tawa at ngiti ang mga problema.

Sa madaling sabi, ang mundo ng Wowowee ay ilusyon lamang. Panandaliang saya lamang ang dulot nito. Hindi nito nalulutas ang tunay na problema sa bansa.